Ano’ng Nangyayari? Ang Kuwento Ng Isang May Gulang Nang Anak
Hindi ako makapaniwalang ginugugol ko ang Biyernes ng gabi na nagtatawag sa telepono para malaman kung nasaan ang 69 gulang kong ama. Nasaan kaya siya?
Mula nang magkaatake sa puso ang aking ama at magretiro, nag-iba na siya. Pag kinakausap ko siya ay parang laging malayo ang tingin at may ibang iniisip. Kinumbida ko siya sa kaarawan ng anak kong lalaki at sa recital sa piano ng anak kong babae nguni’t hindi siya sumipot. Sa dalawang okasyong ito, ang dahilan niya ay masama ang pakiramdam niya at nakahiga siya.
Nguni’t ibang-ba ang ikinikilos niya. Nanghihiram siya ng pera sa akin, lalo na sa kalagitnaan ng buwan. Dapat ay sobra-sobra pa ang pension niya at mga natitipong pera para magastos sa buong buwan. Hindi siya nagpaplanong gumawa nang kahit ano gayong alam kong marami siyang ibang bagay na mapapagkaabalahan bukod sa panonood ng telebisyon. Maraming-maraming ulit kong sinasabi sa kaniyang makipag-ugnay sa iba, mag-ehersisyo, sumali sa isang club.Hindi ko siya maaalagaan. Nagtatrabaho ako nang full time at may sarili akong pamilyang dapat alagaan.
Bakit ba akong palagi ang nag-aalala? Ang kutob ko ay baka nagugumon siya sa pagsusugal. Tinanong ko siya tungkol dito, nguni’t laging isinasagot na paminsan-minsan lamang daw siya nagsusugal. Nagagalit siya pag marami pa akong tanong, at sinasabing ang iniisip ko lamang daw ay ang mamanahin ko. Maling-mali siya sa bagay na ito. Gusto ko lamang ay malusog siya at maligaya. Ang totoo, ang kapatid kong lalaki ang interesado sa mamanahin niya.
Ngayon ay ako ang nagagalit. May nawawala akong ama na mas mahalaga pa ang pagsusugal kaysa sa anak niyang babae at mga apo. Mas gugustuhin ko sanang nagbababad sa hot tub kaysa nakaupo rito at alalang-alala sa kaniya.
Ang anak na babae sa kuwentong ito ay naaapektuhan sa negatibong paraan ng pagsusugal ng kaniyang ama. Nag-aalala siya at hirap ang loob pagka’t hindi alam ang gagawin dahil sa mga ikinikilos ng ama. Matindi ang kutob niya na pagsusugal ang dahilan ng mga kakaibang kilos ng ama at ang paglayo nito sa pamilya, nguni’t dahil sa kawalan niya ng kaalaman tungkol sa problemang pagsusugal ay hindi siya makatagpo ng mas epektibong solusyon para harapin ang situasyon.