Ang Kuwento Ni Mr. Y

Ang Kuwento Ni Mr. Y

Umalis si Mister Y sa tinubuang bayan may 10 taon na ang nakalilipas upang mapabuti ang buhay niya sa Canada. Nagsimula siya bilang trabahador, nguni’t nang lumaon, sa sariling sikap ay nakatagpo siya ng trabahong gusto niya. Matapos magpakahirap ng pagtatrabaho sa loob ng maraming taon ay nag-asawa siya at nakabili na ng sariling bahay. Para sa mga naiwan niyang kaibigan sa tinubuang bayan, ang buhay niya ay tulad ng buhay na pangarap ng mga lumilikas sa Norte Amerika.Nguni’t ang pangarap niya ay naging masamang panaginip. Ang bahay niya ay malapit nang mailit at iniwan siya ng asawa kasama ang anak nila. Baon siya sa utang at lahat ng mga credit cards niya ay puno na. “Paano nangyari ito?” tanong ni Mister Y. “Hindi naman ako sugapa. Naglalaro lamang ako.”

Nagsimula ang lahat sa bakasyon niya sa Las Vegas. Ang package na alok ay magandang deal at nang makita niyang nakaanunsiyo sa pahayagan ay hindi niya pinalagpas ito. Matagal na niyang gustong makarating sa Las Vegas “Hanga ako,” aniya, Agad-agad akong nahalina ng kasabik-sabik na pang-akit at masiglang kaabalahan ng paligid sa mga casino.

Sa halos lahat ng bansa sa Asya, matagal nang tinatanggap ng lipunan ang pagdaraos  ng mga larong sugal sa mga pagtitipon ng mga pamilya at mga kaibigan at sa  mga iba pang okasyong sosyal. “Naglalaro ng Mahjong ang mga kamag-anak ko sa mga party ng mga may kaarawan at lagi kaming naglalaro ng mga laro sa baraha tuwing Bagong Taon.- hindi malaking bagay ‘yan,” ani Mister Y.

Sa kaso ni Mister Y, ang pagsusugal ay naging malaking bagay nang makapanggaling siya sa Las Vegas at nagsimulang regular na bumisita sa mga lokal na casino. Nagsimula siya sa paglalaro sa slot machines, pagkatapos ay naglaro na siya ng blackjack at iba pang table games. Noong una ay panay ang panalo niya. “Pagkatapos noon, naisip ko, bakit ba magtitiyaga pa akong magtrabaho. Magaling ako rito at ang inam ng pakiramdam ko pag nasa casino ako.”

Mas lalong dumalas at tumagal ang pagsusugal ni Mister Y, kung minsan ay inaabot siya ng 10 oras sa casino. Para sa kaniya, ang casino ay nagbibigay ng isang pamilyar na uri ng paglilibang at ng oportunidad na kumita ng maraming pera nang mabilis. Isa pa, ang pakiramdam niya ay kabilang siya sa mga naroon, palagay ang loob niya sa mga magigiliw na staff ng casino at kilala na siya ng mga regular na pumupunta roon.

Hindi lamang humaba ang oras ni Mister Y sa pagsusugal, nag-umpisa siyang tumaya ng malalaking halaga, halimbawa’y daan-daang dolyar bawa’t taya niya sa blackjack. Nguni’t nagsimula na siyang mapagtalo at kinailangan niyang lalong maglaro para mabawi ang perang natatalo sa kaniya. Paulit-ulit na nangyayari sa kaniyang pag nanalo siya, gusto niyang manalo pa nang mas malaki nguni’t pag natalo naman siya, gusto niyang mabawi ang natalo sa kaniya. Manalo o matalo siya ay hindi siya makatigil magsugal. Pag naubusan siya ng cash, ang pinagbabalingan niya ay ang line of credit niya at pagkatapos ay ang mga credit cards niya.  Ngayon ay malapit na siyang mabangkarote at malapit na rin siyang mawalan ng bahay. Galit, nagpupuyos ang loob at talunan, mapait na sinisisi ni Mister Y ang masamang suwerte sa mga problema niya ngayon.

Maliwanag na nakakaranas ng mga problema sa pagsusugal si Mister Y nguni’t nahihirapan siyang makita ang kaugnayan ng mga kilos niya at ng mga problema niya. Bagama’t hindi niya ginustong magkaganito ang takbo ng buhay  niya, dahil sa kakulangan ng kaalaman tungkol sa pagsusugal ,sa responsableng pagsusugal at problemang pagsusugal ay nagkaroon ng mga negatibong konsekwensiya ang kaniyang napiling libangan.

Ang legal na pagsusugal o legalized gambling ay naging isa  na sa mga pangkaraniwang paraan ng paglilibang para sa maraming tao sa lipunan ngayon. Nguni’t iilan lamang ang talagang nakakaunawa sa pagsusugal. Maaaring mahusay sila sa paglalaro ng mga paborito nilang games o laro nguni’t maaaring hindi malinaw sa kanila ang ibang mga mahahalagang isyu sa pagsusugal tulad ng kung paano talaga gumagana ang isang laro o how a game really works at kung paano nagkakaroon ng problemang pagsusugal o problem gambling. Kung magsusugal ka, ang pinakamabuting paraan para maiwasan ang problemang pagsusugal ay magkaroon ng matibay at sapat na kaalaman ukol dito.