Bagama’t totoong maraming mga negatibong epekto ang problemang pagsusugal, may mga kabutihan ding naidudulot ito sa mga naglalaro. (Halimbawa, maaari itong makatulong sa tao para maging mabuti ang palagay nila sa sarili, o baka makatulong na malimutan nila ang tungkol sa kanilang mga alalahanin.) Kaya nga hindi madali para sa karamihan sa mga nagsusugal na basta huminto o bawasan ang pagsusugal, kahit alam nila na ito ang nararapat na hakbang para malutas ang kanilang mga problema.Kung nag-aalala ka tungkol sa iyong pagsusugal at gusto mong umiwas muna na gawin ito, narito ang ilang “subok” nang mga bagay na magagawa mo para magkaroon kang muli ng kontrol sa situasyon.
- Gawin mong limitado ang paglalabas ng pera.
- Iwasan ang mga oportunidad na makapagsugal.
- Ipagbawal mo sa sarili ang pumunta sa mga casino.
- Maghanda ka ng mga planong gagawin sa ” mga oras na talagang natutukso kang magsugal.”
- Mga gawaing makabubuti sa iyo ang ipalit mo sa pagsusugal
Gawin Mong Limitado ang Paglalabas ng Pera (Limit Your Acces to Money)
Mukhang hindi gaanong nakakaganyak ito sa pandinig- karamihan sa mga tao ay gustong makapaglabas o makuha ang pera nila kung kailan nila gusto. Gayon pa man, kung madali ang paglalabas o pagkuha ng pera, nakakatuksong gamitin ito sa pagsusugal. Kaya napakahalaga na gawing limitado ang paglalabas o pagkuha ng pera (access). Mas maraming hakbang ang kunin mo para hindi ka madaling makapaglabas ng pera, mas lalong magiging matagumpay ka na maputol ang pagsusugal mo. Subuking magsimulang gumamit ng mga mahihigpit na restriksiyon na kaya mong tiisin, pagkatapos ay saka mo na lamang luwagan ang mga paghihigpit na ito pag may tiwala ka nang hindi ka matutuksong magsugal.
Mga Ideya Para Maging Limitado ang Pagsusugal Mo
- Ipaubaya sa iba ang kontrol ng paggasta mo ng pera.
- Huwag gamitin ang mga bank cards at credit cards o ikansela ang mga pribilehiyo sa pagkuha ng cash advance.
- Magdala lamang ng maliliit na halaga. Itanong sa sarili kung gaano karaming pera ang aktual na kailangan sa isang araw.
- Baguhin ang mga pakikipag-ayos sa bangko. (Halimbawa, kailangan ng dalawang tagapirma para sa lahat ng withdrawals o paglalabas ng pera, paglilipat ng pera mula sa iyong mga joint accounts o magkasamang accounts sa account ng isang taong mahalaga sa buhay mo atbp.)
- Kanselahin ang ano mang credit lines o mga puwedeng utangan ng pera.
- Alamin kung saan napupunta ang perang ginagasta (Halimbawa, iayos na lahat ng mga resibo ay ipakikita sa isang taong pinagkakatiwalaan.)
- Bayaran ang mga bills nang direkto o sa pamamagitan ng telepono.
Iwasan ang mga Oportunidad na Makapagsugal
Ang pag-iwas sa mga oportunidad na makapagsugal ay mahalaga para sa mga taong nagsisikap na makontrol ang situasyon nila sa pagsusugal. Karamihan sa mga tao ay masiyadong nahihirapang mapigilan ang sariling magsugal, nguni’t pag nagkaroon ng pagkakataon ay nawawala ang tibay ng loob at natutuksong magsugal.
Para sa mga taong ang pagsusugal ay sentro ng pakikihalubilo at paglabas-labas kasama ng pamilya at mga kaibigan, maaaring kailangang magmungkahi ng ibang mga activities o mga magagawa, tulad ng panonood ng sine o pagkain sa labas.
Mabuting ideya rin na ipaalam sa iba ang tungkol sa desisyong huminto na sa pagsusugal, at makiusap sa mga kaibigan at kapamilya na hintuan nang magmungkahing magsugal para may gawing sama-sama ang lahat. Ang taktikang ito ay madalas gamitin ng mga taong may iba pang mga problema sa kanilang mga gawi, tulad ng paninigarilyo. Pag ang isang naninigarilyo ay nagpahayag ng desisyon niyang tumigil ng paninigarilyo, ang pahayag na ito ay nagpapakita ng kaalaman ng taong iyon tungkol sa paninigarilyo at ang pagnanais na magkaroon ng pagbabagong makabubuti sa kaniya. Katulad ito ng pagpapahayag na titigil na ng pagsusugal, na ang tao ay nagpapakita ng kaalaman niya , na kung hindi kasama ang mga maling paniniwala at sikolohiya, ang pagsusugal ay isa lamang larong sapalaran. Walang masama kung magdesisyong hindi na magsugal, at ang pasiyang ito ay dapat na igalang ng mga kaibigan at kapamilya.
Ipagbawal Mo sa Sarili ang Pumunta sa mga Casino
Para sa mga taong halos sa mga casino lamang nagsusugal, ang isa pang epektibong paraan ng pag-iwas na magkaroon ng oportunidad na magsugal ay gawin ang Voluntary Exclusion Form o form para sa boluntaryong pagbabawal sa sariling pumunta sa casino na makukuha sa halos lahat ng mga casino. Sa oras na makumpleto na ang form na ito, ang tao ay bawal pumasok sa mga casino sa itinakdang haba ng panahon. Sa pag-iwas na magsugal, unti-unting mababawasan ang tuksong magsugal at mag-eenjoy na muli ang tao sa ibang mga activities na dati niyang ginagawa.
Maghanda Ka ng mga Planong Gagawin sa “Mga Oras na Talagang Natutukso Kang Magsugal”
Kung ang madaling paglalabas o pagkuha ng pera (tulad nang naipaliwanag na) ay maaaring magtulak sa isang tao na magsugal, may ” mga oras na talagang natutukso siyang magsugal” na nakakatukso rin sa kaniya. Kung matagal-tagal ka na ring nagsusugal, maaaring mapansin mong may pattern o paulit-ulit na gayo’t gayon din ang nangyayari sa mga ginagawa mo sa pagsusugal. Ang mga patterns na ito ang mga oras na talagang natutukso kang magsugal. Tingnan mo kung totoo nga ito sa pamamagitan ng pagtatanong sa sarili mo pag nagsusugal ka:
- May tiyak na oras ba sa isang araw o linggo, tulad ng sa araw ng suweldo o pag Sabado at Linggo na karaniwang ginugugol mo sa pagsusugal? Saan, kailan at sino ang kasama mong magsugal?
- Natutukso ka bang magsugal dahil may libre kang oras o nakakaramdam ka ng stress o pakiramdam na nakahiwalay ka sa ibang tao?
Pag alam mo na ang mga oras o panahong talagang natutukso kang magsugal, magplano ka ng mga iba mong magagawa. Ang pagkakaroon ng plano pag natutukso kang magsugal ay makakatulong sa iyong paglabanan ito. Narito ang ilang mga mungkahi:
- Mag- schedule at makilahok sa mga gawain o activities na kasama ng iba sa mga oras na kadalasan ay nagsusugal ka.
- Pag may libre kang oras, iplano mong may gagawin ka na may kasamang iba (tawagan sa telepono ang asawa mo pag paalis ka na sa trabaho, pumayag na lumabas sa pananghalian nang may kasama)
- Alamin at tanggapin ang mga nararamdaman mo (pagod, naiinip, depressed, frustrated, masuwerte, atbp.). Hindi mabilang ang maaaring gawin ng isang tao para hindi manganib ang kaniyang kalusugan dahil sa mga damdaming nahihirapan siyang pakiharapan. Iwasang mapapunta ito sa problemang pagsusugal.
- Gawing limitado ang pag-inom – ang pagkawala ng maraming mga inhibisyon ay maaaring mapatungo sa mga iniiwasan mong mangyari, tulad ng pagsusugal.
Mga Gawaing Makakabuti sa Iyo ang Ipalit Mo sa Pagsusugal
Tulad ng binanggit na, ang pagsusugal ay karaniwang may ilang gamit sa buhay ng isang tao. Ang ibang tao ay nagsusugal para masayahan, ang iba’y para makaiwas sa stress, depresyon o pagkainip. Maaaring makita mong mas madaling umiwas sa pagsusugal kung may mga ginagawa kang activities na mahusay para sa kalusugan mo.
Pag-isipan mo kung paano ka dating magpalipas ng oras. Madalas, habang tumatagal sa patuloy na pagsusugal ang mga tao, kinakalimutan na nila ang kanilang mga hobbies at mga gawaing dati rati ay nagbibigay sa kanila ng kasiyahan. Maaaring mahirapan kang magbalik sa mga dating activities na nagbibigay ng kaaliwan sa iyo nguni ‘t mas malaki ang kabutihang mapapala mo sa paggawa nito. Ang pagsama sa mga ganitong activities ay makakatulong sa iyong layuan ang pagsusugal.
Ang isang mabuting paraan para magkaroon ka ng mga opsyon o mga alternatibong magagawa pag natutukso kang magsugal ay ang paggawa ng isang listahan ng mga activities na magagawa mo sa mga libre mong oras. Malamang na magtagumpay kang mapaglabanan ang magsugal kung gagawa ka ng isang bagay na kinagigiliwan mong gawin.
Gayon pa man, mag-ingat ka na huwag ipalit sa pagsusugal ang isa pang gawi o ugaling malululong ka at hindi makabubuti sa iyo.
Sa Pagtatapos
Lahat ng mga mungkahi sa seksiyong ito ay maaaring subukin kahit anong oras at kahit sa aling pagkakasunod, nguni’t mahalagang tandaan ang mga sumusunod:
- Maging handa sa pagsisikap na magawa ang mga mungkahi, tulad ng pagsisikap na ibinubuhos mo sa pagsusugal.
- Huwag panghinaan ng loob kung hindi ka agad magtagumpay. Ang paglutas ng problemang pagsusugal ay isang proseso, umasang mayroong mga pagkakamaling magagawa.
- Basta’t hindi ka tumitigil sa paggawa ng mga nararapat mong gawin, magkakaroon ka ng mas mabuting kontrol sa situasyon mo sa pagsusugal.
- Humingi ka ng tulong-hindi ka matutulungan ng mga tao kung hindi nila alam kung ano ang bumabagabag sa iyo.