Jack ang pangalan ko. Isa akong 38 gulang na lalaking may asawa na maligayang namumuhay sa piling ng aking kabiyak at dalawang anak na 11 at 13 gulang ang edad. Bukod sa paminsan-minsang pagbili ng tiket sa loterya at pagsali sa 50/50 draw ay wala ako ni katiting na interes sa pagsusugal hanggang noong may isang taon na ang nakalilipas. Kung noon ninyo ako tinanong, sasabihin ko sa inyong pagsasayang lang ng oras at pera ang pagsusugal.Kaya paano ako nasuot sa ganitong gusot? Simple lang ang umpisa. Isang taon na ang nakalilipas, ang anak kong babae ay abalang-abala sa pagsali sa mga kompetisyon sa paglangoy at ako ang nagdadala sa kaniya sa mga workouts o praktis at sa mga kompetisyon. Ang mga kompetisyon ay nakalilibang panoorin pero ang mga workouts ay nakakainip dahil nakaupo ka lang lagi at naghihintay. Isang araw ng Sabado, naalala kong may isang lokasyong malapit sa swimming pool na may VLT. Nabanggit ng isang katrabaho ko na kapapanalo lamang niya ng $1000 mula sa VLT. Noon ay medyo gipit kami sa pera sa bahay at kung sakaling manalo ako ng $1000 ay makatutulong nang malaki sa aming mga gastusin nguni’t alam ko rin na hindi ito makakapagpabago sa aming daigdig.
Kaya nagpunta ako sa otel at tumingin-tingin sa paligid. Nagulat ako sa dami ng taong naroon. Kinailangan pang maghintay ako para makakuha ng isang VLT. Wala akong ideya kung paano gamitin ang makina kaya naupo ako at nilaru-laro ko ang ilang buttons. Tinulungan ako ng taong katabi ko. Sinabi ko sa kaniyang gusto ko ng mga laro sa baraha at dumukwang siya at pinindot ang ilang buttons at isang video poker game ang lumabas sa screen.
Nagpasok ako ng $20 sa makina at nagsimulang maglaro ng paisa-isang quarter pero walang nangyari. Nanalo ako sa ilang taya at natalo sa marami. Sinabi ng katabi kong lalaki na napansin niyang paisa-isang quarter lang ang taya ko. Sinabi niyang imposibleng manalo ng malalaking premyo kung maliit ang taya, at idinagdag pa niya na maaga pa at baka kailangang mag-init pa ang makina para ito magbigay. Parang sa akin ay nakakatawa ang sinabi niyang ito noon nguni’t nang umalis siya ay itinaas ko ang taya ko sa $1.25. Ano pa nga ba- nagsimulang magbigay sa akin ng pera ang makina hanggang umabot ang panalo ko sa $400. Biglang tumunog ang cell phone ko- ang anak kong babae ang tumatawag na nagsasabing tapos na siya sa pool. Nagdahilan akong may nakitang kaibigan sa mall at sinabi ko sa kaniyang susunduin ko na siya
Habang nagmamaneho ako para sunduin ang anak ko ay sari-saring isipin at damdamin ang naghahari sa akin. Ang una ay kasiyahan- namumutok ang pitaka ko sa napanalunan kong $400. Ang pangalawa ay may nagawa akong kasalanan sa maliit na kasinungalingang sinabi ko sa anak ko. Ikatlo ay naisip kong ipaglihim sa asawa ko ang lahat dahil mas ayaw pa niya sa pagsusugal kaysa sa akin.
Nilayuan ko ang VLTs ng ilang linggo- nakakaramdam ako ng kahihiyan dahil sa madali kong paghabi ng kasinungalingan sa aking anak at ang paglilihim ko ng lahat sa asawa ko. Nguni’t isang araw, nagpunta kami ng mga kaibigan ko sa isang lounge matapos makapanggaling sa isang hockey game. Nagbakas kami ng tig-$5 para ilaro sa isang VLT. Sa isang kisapmata ay nawala ang pera at nagsialis kami sa lounge. Umikot lang ako sa bloke at bumalik sa lounge. Pinuntahan ko ang makinang pinaglaruan namin. Naisip kong malapit na sigurong magbigay ang makina. Isa pa ay kung papa-papaanong laro lamang ang ginawa ng mga kasama ko nang naroroon kami. Hindi pa lumilipas ang 20 minuto ay nanalo na ako ng $600. Ang perang ito ay ibinayad ko sa isang malaking bill sa Visa. Pagkatapos ay nilayuan ko na naman ang mga makina. Ang pakiramdam ko ay nakatalisod ako ng isang munting sekreto pero hindi tiyak kung ano ang gagawin dito.
Unawain ninyong pangkaraniwang lamang ako tulad ng ibang lalaki, hindi ako naging sugapa sa sugal agad-agad. Unti-unti, nagsimula akong magsugal nang madalas- kung minsan ay pagkagaling sa trabaho, sa mga ibang pagkakataon ay pag naghihintay ako sa anak kong makatapos ng mga praktis niya. Ang totoo ay napakadaling itago ng pagsusugal- sabik pa nga akong ihatid ang mga anak ko kahit saan dahil nagkakaroon ako ng oportunidad na magsugal.
Palagay ko ay nagsimulang lumala ang bago kong bisyo isang araw na nasa bahay ako ng kapatid ko. Bahagya lamang akong nakikinig sa mga kuwento ng hipag ko nang makaramdam ako ng matinding pagnanais na magsugal. Nagdahilan ako na kailangan kong umuwi ng bahay para tulungan ang anak kong lalaki sa paggawa ng homework niya. Naaalala ko pa nakahinga ako nang maluwag nang maupo na ako sa harap ng makina, umaasa ng malaking panalo. Sa dami ng mga nakita kong natalo sa VLT ay alam kong mapapagbigay ko nang malaki ang makina. Nguni’t nilayuan ako ng suwerte sa gabing ito at lahat ng mga ipinagmamalaki kong mga dating “kaalaman” o karunungan sa makina ay hindi umubra. Makatapos ng limang bisita sa ATM at pagkatalo ng $1200 ay umalis na ako. Limang oras na ang nakalipas.
Sa kasamaang-palad, tumawag ang asawa ko sa bahay ng kapatid ko at natuklasang kung ilang oras na akong nakakaalis. Nagsabi ako sa kaniya ng unang napakalaking kasinungalingan sa buhay ko- na umalis ako para dumalo sa pananghaliang bigay namin para sa isang katrabaho. Pinaniwalaan ng asawa ko ang kuwento ko at alam kong malayong alamin niya kung totoo ito o hindi.
Ako ang nagbabangko sa pamilya kaya ako lang ang makakaalam tungkol sa $1200. Mahirap na lang sabihin kung gaano ang galit ko sa sarili dahil sa ginawa ko, at isinumpa kong hindi na mangyayari ulit iyon. Ang problema lang ay kung paano ko ibabalik ang $1200. Nilayuan ko ang VLTs sa loob ng dalawang linggo para mapayapa ang kalooban ko at mag-isip kung paano mananalo nang malaki sa makina. Pagkatapos ay kakalimutan ko na ang lahat. Mga maling desisyon ang nagawa ko sa paglalaro at naisip kong magiging matalino ako sa paggamit ng mga makina sa susunod na punta ko.
Maingat na maingat ang plano ko sa susunod na pasada ko sa pagsusugal.Cash lamang ang dadalhin ko at kapani-paniwala ang dahilan ko ng pag-alis ng bahay sa loob ng lima hangggang anim na oras. Determinado rin akong pag-aralan ang mga makina para alam ko kung ano ang tamang oras at ang tamang makinang paglalaruan para makabawi ako sa mga natalo sa akin. Itinakda ko rin kung magkano lamang ang puwede kong ipatalo at isinumpa kong hindi ako magiging sakim: kung mananalo ako ng $500, titigil na ako at uuwi. Nahuhulaan marahil ninyo kung ano ang nangyari. Nakaabot nga ang panalo ko ng $600, at nagpalit ako ng makina at ipinasiya kong ipagsapalarang isugal itong lahat. Natalo ang $600 , kasama ng $1000 pa. Patago akong umuwi ng bahay, kinuha ko ang debit card ko at bumalik para kumuha ng cash advance. Naipatalo ko ring lahat ito.
Nakikita ninyo kung gaanong kahirap ang situasyon ko ngayon- naipatalo ko na ang halos $10,000 at akala ng asawa ko ay maayos ang lahat. Paulit-ulit na nangyayari ito sa akin – Nangangako ako sa sariling hindi na ako magsususgal, sinisira ko rin nang paulit-ulit ang pangako ko. Ang problema ngayon ay may sinasabing bakasyon ang asawa ko. Iniiwasan kong pag-usapan ang tungkol dito dahil wala nang pera.
Maaari namang ipagtapat ko ang lahat at marahil ay baka mawala sa buhay ko ang asawa ko at ang pamilya ko o maaari rin namang dumalo ako sa isa sa mga miting kung saan ang mga dumadalo ay umiinom ng kape at nagpapahayag ng mga problema nila. Hindi ako yaong mapagreklamo tungkol sa mga problema ko lalo na ang tulad nito na ako ang lumikha. Hindi ako masamang tao. Hindi ko alam kung paanong naging ganitong kagrabe ang situasyon ko.
“Para sa maraming tao, ang problema sa pagsusugal ay mabilis na nangyayari. Ang karanasan ng madalas na panalo pag nag-uumpisa pa lamang magsugal ay kadalasang nagpapabago ng pagtingin ng isang tao sa pagsusugal bilang isang paraan ng paglilibang sa isang paraan ng pananalo ng pera. Sa pamamagitan ng pagkiilala at pagtukoy sa problema at kusang- loob na paghingi ng tulong, ang situasyon ng may problema sa pagsusugal ay nagiging mas magaan.”