Walang-Katiyakang mga Resulta o Randomness
Ang ibig sabihin ng walang-katiyakang mga resulta o randomness ay: may nangyayaring isang bagay dahil sa tsansa, nagkataon lamang at walang plano o dahilan. Sa sugal, ang ibig sabhihin ng walang- katiyakan ang mga resulta o randomness ay hindi mahuhulaan nang tama ng sino man kung anong mga kombinasyon o mga resulta ang lalabas na susunod.Ang mga laro sa casino ay gumagamit ng iba’t ibang klaseng devices para siguradong walang-katiyakan ang lalabas na mga resulta ng laro. Kabilang sa mga halimbawa ang:
- pagpapaikot ng roulette wheel
- pagbalasa ng isang deck ng mga baraha
- pagpapagulong ng dice
Sa loob ng mga taong nagdaan, hindi mabilang na mga manunugal ang nagsikap bumalangkas ng mga stratehiya para makatulong sa kanilang mahulaan kung ano ang susunod na mangyayari, nguni’t walang stratehiyang makakagawa nito. Imposibleng makontrol o mahulaan nang tama ng mga manunugal ang mga kalalabasan ng laro dahil sa randomness o kawalang-katiyakan ng mga resulta ng mga laro. (Tingnan ang Gambling Psychology 101 o Sikolohiya sa Pagsusugal 101 para sa iba pang mga karaniwang maling paniniwala).
Walang Katiyakang mga Resulta ng Laro sa Slot Machines at Video Lottery Terminals (VLTs)
Ang mga walang katiyakang resulta sa mga slot machines at VLTs ay ginagawa ng isang espesyal na computer chip na ang tawag ay random number generator (RNG) o generator ng mga numerong walang tiyak na pagkakasunud-sunod. Ang trabaho ng RNG ay para walang tigil na magpalabas mula sa mga milyun-milyong mga numero, ng libu-libong mga numero bawa’t segundo.Pag pinindot ng naglalaro ang ” spin” o ” deal” button, ang numerong nasa RNG sa saglit na iyon ang siyang napipili. Pag pinindot ang button ng ikaisanlibong bahagi ng isang segundo nang mas maaga o mas huli ay magbibigay ng ibang resulta ang RNG. Walang tigil ang andar ng RNG, 24 oras sa isang araw, 7 araw sa isang linggo, kahit walang naglalaro sa makina.
Nakikita mo na dahil sa RNG o random number generators ay imposible para sa isang manlalaro ( o para sa bangka) na malaman ang susunod na resultang lalabas. May maling paniwala ang ibang naglalaro na pag matagal nang hindi nagbibigay ng panalo ang makina, malamang na malapit na itong magbigay. Ang totoo, bawa’t spin o ikot ay may patas na tsansang manalo, kahit ano pa ang resulta ng nagdaang spin.
Maraming mga maling pagkaintindi o paniniwala tungkol sa pagsusugal na dahil sa hindi tamang pagkaunawa tungkol sa randomness o walang-katiyakang resulta ng mga laro. Magbasa pa tungkol sa mga ito sa seksiyong tinatawag na Gambling Psychology 101 (Sikolohiya Sa Pagsusugal 101)
Kaunting Paliwanag Tungkol sa Tsansa at Suwerte
Ang tsansa o chance ay isang salitang kadalasan nating ginagamit para ilarawan ang isang pangyayaring hindi inaasahan o nahulaang magaganap at walang maoobserbahang dahilan.
Ang suwerte o luck ay madalas nating ginagamit pag umuunlad o sumasagana tayo o nagtatagumpay dahil sa tsansa o di inaasahang pangyayari.
Sa sugal ay laging nakapaloob ang tsansa o di- inaasahang mangyayari. Pag nanalo sa sugal ang mga tao, sinasabi nating masuwerte sila. Ito ay totoo kahit “binili ” nila ang isang tsansang manalo sa pamamagitan ng paggamit nila ng pera. Ang pagbabayad ng pera para “magkaroon ng tsansang” manalo” at pagkatapos ay matalo ay nakaka-frustrate, nguni’t tandaan – ang hindi pananalo ang kadalasang mangyayari.
Ang ibang tao ay naniniwalang ang suwerte ay maaaring maimpluwensiyahan o kitain- na ang isang taong masuwerte o karapat-dapat na gantimpalaan mula sa isang Makapangyarihan sa Itaas ay mananalo at hindi matatalo. Ang mga ganitong kaisipan ay maaaring magtulak sa isang tao na magsugal nang sobra sa makakaya niyang gastahin. Ang totoo, kahit suwertihin ang isang tao sa panandaliang panahon, sa katagalan, ang mga manunugal ay halos siguradong gagasta nang mas malaki kaysa sa kanilang mapapanalunan. (Tingnan ang Short Term Volatility versus Long Term Predictability. o Panandaliang Panahong Madaling Mawawala laban sa Pangmahabang Panahong Mahuhulaan Kung Ano Ang Mangyayari.)