Bakit Magagastusan Ka ng Pera sa Pagsusugal

Bakit Magagastusan Ka ng Pera sa Pagsusugal

Naiintindihan ng karamihan sa mga tao na ang mga casino at mga operators o nagpapalakad ng pasugal ay kumikita ng pera, gayon pa man, hindi lahat ay nakakaintindi kung paano eksakto ito nangyayari. Narito ang dalawang paraan o methods na ginagamit ng mga operators ng pasugal para makasiguro silang kikita sila ng pera sa pagpapatuloy ng pagpapalakad nila:

  • Kumukuha ng porsiyento ang operator o nagpapalakad ng sugal sa lahat ng mga benta at mga taya o pusta
  • Gumagawa ng isang lamang ng bangka ang operator sa loob ng laro

Tingnan natin ang mga detalye ng dalawang paraang ito.

Paraan # 1: Kumukuha ng Porsiyento ang operator o nagpapalakad ng sugal sa lahat ng mga benta at mga taya o pusta

Ito ang pinakadirektong paraan. Ang isang pamilyar na halimbawa ay ang 50/50 draw kung saan kalahati ng perang napagbilhan ng mga tiket ay napupunta sa operator o nagpalakad nito ( kadalasan ay sa isang  kawanggawa o pag-iisponsor ng isang koponan sa sport ), at ang kalahati ay ibibigay sa may-ari ng nabunot na nanalong tiket. Ang mga pangunahing loterya tulad ng Lotto 6/49 at Super 7 ay katulad din nito ang ginagawa- sa operator napupunta ang mga kalahati ng mga pinagbilhan sa tiket (na ang aktual na porsiyento ay paiba-iba sa bawa’t laro) at ang iba ay napupunta sa mga premyo. Sa mga malalaking loteryang ito, ang mga pangunahing premyong pera ay nakalaan para sa mga malalaking nakaanunsiyong papremyo at ang natitira ay pumupunta sa mga nanalo ng mga karagdagang pang maliliit na premyo.

Ang mga tiket na kinakaskas at binubuksan o scratch and break-open tickets ay nasasailalim din ng pangkalahatang kategoryang ito. Ang halaga ng lahat ng mga nanalong tiket ay mas maliit kaysa sa kung magkano ang halaga ng lahat ng mga tiket. Ito ang paniguro ng mga operator na may makukuha silang porsiyento sa buong pangkalahatang benta. Sinisiguro rin sa mga bingo na ang kabuuang halaga ng mga benta ay laging mas malaki sa halaga ng ibibigay na papremyo.

Kabilang sa mga iba pang klase ng sugal kung saan nakakakuha ng porsiyento ng ipinusta o itinaya at sa mga benta ang:

  • Mga Larong Poker na Pinalalakad ng mga Casino: Ang mga casino ay hindi nakikipagkumpetensiya laban sa mga naglalaro. Sa halip, kumukuha sila ng porsiyento (tinatawag na “rake”) ng perang itinaya ng mga manlalaro. Sa mga torneo o tournament sa poker na palakad ng casino, walang rake, kaya sumisingil sa mga manlalaro ng bayad para sa pagpapalakad o administrasyon ng laro.
  • Karera ng Kabayo at iba pang klase ng sugal na ang sistema ay pupusta sa karera kung saan ang mga pumusta sa mananalo ay maghahati-hati sa perang ipinusta maliban sa parteng kukunin ng operator bilang ganansiya o bayad sa pagpapalakad ng karera, buwis o iba pang gastusin. Ang panalo sa ganitong klase ng sugal ay patuloy na nag-iiba-iba depende sa kung magkanong pera ang ipinusta sa bawa’t kabayo- may mga kabayong hindi maraming tao ang pumusta at siyang nanalo kaya’t ito ang magbibigay sa mga pumusta ng malaking pera. Sa kabilang dako,ang panalo para sa isang paborito (isang kabayong maraming tao ang pumusta) ay mas maliit.

Sa lahat ng mga halimbawang ito, ang operator ng pasugal ay naniningil ng bayad sa pagpapalakad ng laro nguni’t hindi nakikipagkumpetensiya laban sa mga manlalaro. Sa mga larong tatalakayin sa sumusunod na seksiyon, ang operator ng pasugal ay nakikipagkumpetensiya sa mga manlalaro, nguni’t gaya ng mahuhulaan mo, hindi patas ang laban.

Paraan #2 : Gumagawa ng isang lamang ng bangka ang operator sa loob ng laro

Ang paraan ng pagkakapera ng mga operator sa mga ganitong klase ng sugal ay hindi kasing direkto ng pagkuha ng porsiyento ng mga taya o mga benta, nguni’t ang resulta sa huli ay pareho rin- magkakapera ang operator. Para maintindihan kung ano ang nangyayari sa mga ganitong laro, kailangang maging pamilyar ka sa isang napakaimportanteng konsepto sa pagsusugal: ang lamang ng bangka.